Ekonomiks
July 31, 2012 - martes
Report sa Ekonomiks
Ano ang kahululugan ng Ekonomiks?
Ang salitang ekonomiya, kung saan nanggaling ang ekonomiks ay nanggaling sa matandang salitang Pranses na economie na nangangahulugan ng pamamahala ng sambahayan. Ang salitang Pranses na ito ay hinango sa salitang Griyego na oikonomia. Ang oikonomia naman ay nanggaling sa salitang oikonomos na galing sa dalawang salita- ang Oikos na nangangahulugan ng bahay at nomos na nangangahulugan ng pamamahala.
1. Ang Ekonomiks ay isang pag-aaral kung paano gagamitin ng tao at lipunan ang limitadong pinagkukunang yaman upang makagawa at maipamahagi ang iba't ibang produkto at serbisyo sa mga tao at iba't ibang pangkat ng lipunan para sa kasalukuyan at hinaharap.
2. Ang ekonomiks ay isang pag-aaral kung paanong ang tao ay naghahanapbuhay, naghahanap ng pagkain at iba pang mga pangangailangang materyal. Binibigyang pansin ang mga suliraning pangkabuhayan sa pamamagitan ng mga pamamaraan kung paanong malulunasan o mababawasan ang mga ito.
3. Ang ekonomiks ay isang makaagham na pag-aaral na tumutukoy kung paano gumagawa ng pasya ang tao o lipunan. Maraming pangangailangan ang mga tao at mga pangkat ng lipunan. Upang matugunan ang mga ito, may mga pinagkukunang-yaman na maaaring gamitin sa ngayon o bukas. Kaya naman sa pagpapasya o pagpili, kasamang isinasaalang-alang ang ngayon at bukas. Bukod dito ang paggamit ng mga pinagkukunang-yaman ay may kaukulang halaga at pakinabang na nangangailangan ng wastong kapasyahan.
Ang kahalagahan ng Ekonomiks.......
May bahaging ginagampanan ang ekonomiks sa pangkabuhayang pamumuhay ng bansa at daigdig.
Mahalagang bigyang pansin ang pag-aaral ng ekonomiks dahil sa sumusunod.
1. Magiging matalas ang iyong obserbasyon at interprtasyon sa mga bagay na may kaugnayan sa pangkabuhayang pag-unlad. Higit mong mauunawaan ang mga patakaran ng pamahalaan at mga suliraning hinaharap ng bansa.
2. Uunlad ang iyong kaisipang kritikal at sa mga pang-unawa sa mga suliraning agrikultural at komersyal ng bansa na nakaaapekto sa kabuhayan at pagsulong nito.
3. Uunlad ang iyong pagiging mamamayan na may taglay na karunungan sa pangangalaga ng likas na yaman ng bansa at napaayos ang kabuhayan nito.
4. Natatanim sa iyong isip ang kabuhayan nito pagkamakabayan sa ekonomiya, ang pagmamahal at pagmamalaki sa lahat ng mga bagay na gawang Pilipino at ang pagnanasang tamasahin ng Pilipino ang pinakamainam at pinakamahusay na produkto at serbisyong kapantay ng tinatamasa ng ibang bansa. Nababatid natin ang kahalagahan ng pagtangkilik sa ating mga produkto.
5. Nagbibigay ang pag-aaral ng ekonomiks ng praktikal na kaalaman na kailangan sa pag-unawa ng mga pangkabuhayang kalagayan sa paligid ninyo.
Ang pagkakaroon ng kaalaman sa ekonomiks ang tumutulong sa paggawa ng mga desisyon na may kinalaman sa pamumuhay ng tao.